tattoos

Wednesday, November 11, 2009

Muni-muni sa trabaho

naloloka ako sa opisina lately. maraming pagbabago, maraming pangako at marami ring trabaho. minsan naiisip ko maghanap ng bagong pagtatrabahuhan na mas masaya, mas madali para sa akin at puro pagsusulat lang, tulad ng ginagawa ko dati. unang-una, mas madali sa akin ang pagsusulat. pangalawa, mahal ko talaga ang pagsusulat at gusto ko pang bumuti at gumaling dito.

pero nandito pa rin ako, kinakaya ko hanggang saan ko kaya. ayokong sumuko para lang mapatunayan sa sarili ko na kaya ko, na hindi ako yung tipong taong madaling bumigay. gusto kong patunayan na hindi ako "manunulat lang", kahit minsan gusto kong sumigaw ng "manunulat lang ako!" tinitingnan ko ang idolo ko sa trabaho -- ang aking bosing na nagmula sa bansa nina vanness wu at jerry yan, LOL -- at namamangha ako dahil ang kinakaya niya, di hamak na mas mabigat, mas marami at mas komplikado sa kinakaya ko.

binubulong ko sa sarili ko na kung kaya niya, kaya ko rin. pero minsan pinagdududahan ko kung totoo nga ang mga aking bulong-bulong sa sarili. siguro kailangan ko nang lakasan, baka bingi na ang loob ko sa mga bulong at sigaw na ang kailangan nitong marinig.

at nandito pa rin ako dahil alam ko na hindi ako dapat magpadala sa bugso ng damdamin. ang damdamin, lulu-lili diba? lulubog, lilitaw, ika nga ng philippine choral community. at hindi sapat na basehan para sa pagpasya. kung ang buhay ay parang gulong kung saan minsan nasa baba ka, minsan nasa itaas, araw-araw na yata ang pag-ikot ng gulong pagdating sa trabaho. at hindi makabubuti sa aking gumalaw at magpasya sa mga sandaling nasa ilalim ako.

pero minsan naiisip ko... kasalanan ba maghangad ng trabaho na kung saan masaya ako, suportado ng maraming katrabaho at huhumusay sa bagay na mahal na mahal kong gawin?

No comments:

Post a Comment

 

blogger templates | Blogger